Manila, Philippines (June 21, 2020) – Arestado ang apat katao ng pinagsanib na puwersa ng Department of Environment and Natural Resources at National Bureau of Investigation (NBI) matapos maaktuhan ang mga ito na may dalang ilang kilo ng agarwood na mahigpit na ipinagbabawal ng batas.
Nakilala ang mga nadakip na suspek na sina Ramil Ong, Bernie Bagay, Rizal Mofar at Arjhun Gaviola na naaresto ng pinagsanib na puwersa ng DENR’s Environmental Protection and Enforcement Task Force (EPETF) at NBI-Environmental Crime Division sa Pasig City at Cainta, Rizal noong Hunyo 8.
Nakumpiska ng mga environmental enforcers sa mga suspek ang tinatayang 20 kilo ng agarwood na may halagang P3.2 milyon.Ayon sa DENR ang agarwood ay isa sa pinakamahal na “raw materials” sa paggawa ng pabango na umaabot ang presyo sa P160,000 kada kilo sa Pilipinas.
Pinuri naman ni Environment Secretary Roy A. Cimatu ang DENR at NBI dahil sa sakripisyo ng mga ito upang maaresto ang mga “environmental criminals” kahit na mahigpit na ipinatutupad ang “quarantine” upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
“This clearly sends out the message that the government’s campaign against environmental offenders remains unrelenting despite a pandemic that is wreaking havoc worldwide,” sabi pa ni Cimatu.
Nahaharap ang apat na suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9147 o ang Wildlife Resources and Protection Act at Presidential Decree 705 o mas kilala sa Revised Forestry Code of the Philippines. Kasalukuyan din nakapiit ang mga ito sa NBI detention facility sa Manila habang hinihintay ang pagdinig sa kanilang kaso.
Ayon naman kay senior ecosystems management specialist at miyembro ng EPETF na si Rogelio Demelletes, Jr., ang kanilang mga nakumpiskang agarwood ay isa sa pinakamahal at magandang klase na nagmula pa sa mga kagubatan ng Mindanao partikular na sa mga probinsiya ng Surigao at Agusan.
Ang agarwood ay nagmula sa mga puno ng Lapnisan at Lanete na kapwa kasama sa national list ng mga nanganganib na Philippine plants base na rin sa inilabas na DENR Administrative Order 2007-01.
Sinabi pa ni Demelletes, ang high grade agarwood ay maibebenta hanggang US$30,000 kada kilo at ang pagbebenta nito ay dahilan upang manganib ang mga puno ng Lanete at Lapnisan.
Original news posted found on the link below.